“Uso pa ba ang harana?” – Parokya ni Edgar
Ewan ko. Eniwey, kamakailan lang ay na-obliga akong magdrowing para sa klase ko sa Ethics I ng kursong Associate in Arts ng UPOU, para sa asignasyon ng grupo namin. Bale bawat isa’y gagawa ng sining biswal, na nagpapakita ng isang tradisyong Pilipino, tapos pagsasamahin lahat para sa isang collaborative drawing.
Ang napili ko nga ay “harana’. Pagkatapos ko iguhit at kulayan ng konti, nang di kagandahaan (hehe), pinasa ko na ito sa grupo namin. Buti na lang, higit na pinaganda ng aking klasmeyt na si Anne Basco ang kulay, gamit ang digital art. Bale itong cartoon mismo, na pinamagatan ko na ring “Harana”,* ay collaborative art na rin naming dalawa ni klasmeyt Anne.
Parang na-miss ko tuloy yung pagkahumaling ko noon si sining biswal, na di ko na rin naman talaga pinag-uukulan ng panahon nang ilang dekada na, Pero noon . . .
High School (UPIS), 1991:
- Nagtapos bilang “Most Outstanding Student in Visual Art”
- Isa sa mga nagwagi ng Jose Joya Awards
- Pumangalawa sa kategorya ng Editorial Cartooning ng 1991 NCR Secondary Schools Press Conference, at bago nito ay pumangalawa rin sa parehong kategorya ng parehong taon sa Mini Press Conference.
- Nag-aral ng isang taon, 1993–94, sa programang BFA Painting ng College of Fine Arts. Masisilip ang isa sa mga painting ko dito sa litrato ng isa ko pang blog post, sa likod ng artistang si JM De Guzman.
- Lumipat sa BSE Art Education ng College of Education noong 1995. (Magulo ang pag-aaral ko noon: palipat-lipat ng kurso hanggang sa sumuko na’t tumigil nang walang natapos noong 1998. Ngayong taon, sa edad 47, ay nagtangka akong mag-aral ulit sa kolehiyo at nasa pangalawang semestre na. Malamang isa na ako sa pinakamatatandang mag-aaral ng UP, across all campuses, na undergradweyt. Kaya ang batang klasmeyt ko na si Anne ay malamang maituturing na parang anak ko na.)
Sa kasalukuyan, ang pinakahuling “pormal” na artwork ko ay yung dinrowing ko na cartoon para sa pabalat ng aking maliit na koleksyon/zine ng mga “monostichs” noong 2021. Ang koleksyon, at syempre ang pabalat nito, ay matatagpua't mababasa rito sa Revolt Magazine.
Sisipagin kaya akong gumuhit at magpinta muli? Subukan ko bang mag-aral ng digital art? Ewan.
Ngayon, balik sa tanong na mula sa kanta ng Parokya ni Edgar:
“Uso pa ba ang harana?”
Hmm . . . sana. (Online harana?)
Mga tala:
- Para sa mas komprehensibong kaalaman sa haranang Pinoy, basahin itong blog post ni Lourna Mydes Quinton na Harana, Serenade in the Evening.
- Ang monostich ay tula na may isang linya lamang, blah-blah-blah.