Heto ang una kong sinulat nitong 2022, noong ika-1 ng Enero mismo: ang pagsalin sa Filipino ng tulang a smile to remember ni Charles Bukowski (1920-1994).
isang ngiti na di
malilimutan
meron kaming mga
goldpis noon at sila’y nagpaikot-ikot
sa loob ng bowl sa
ibabaw ng mesa na malapit
sa mga kurtinang
kulay-lila sa harap ng aming bintana at
ang aming nanay, na
kawawang isda, na laging nakangiti, na nais
magmukhang masaya, ay
sinasabihan ako, “maging masaya ka, Henry,”
at tama siya: mas
mainam na maging masaya ka
kung kaya mo
pero siya’y binubugbog
ng aking tatay mga dalawa o tatlong beses
sa isang linggo habang
ang huli’y nagwawala sa pamamagitan
ng kanyang 6 na
talampaka’t 2 pulgadang katawan dahil di niya kayang
gapiin ang anumang
umaatake sa kanya.
ang aking nanay, na kawawang isda, na kawawang goldpis,
na kawawang isda na walang-wala, na ginugulpi dalawa o tatlong beses
kada linggo ay sinasabihan ako na maging masaya: “Henry, ngiti!
Bakit di ka ngumiti?
at pagkatapos, lagi
niyang pinapakita sa akin kung paano, at iyon ang
pinakamalungkot na
ngiti na nakita ko sa ibabaw ng lupa, parang impyerno at
impyerno at impyerno
at impyerno, at wala nang iba
isang araw nangamatay
ang lahat ng goldpis, lahat silang lima,
nagpalutang-lutang
sila sa ibabaw ng tubig, sa kanilang tagiliran, ang
mata sa bawat gilid sa
itaas ay dilat pa,
at nang umuwi ang
aking tatay ay tinapon niya sila sa pusa
sa sahig ng kusina at
pinanood namin ang aming nanay
ngumiti
No comments:
Post a Comment