Saturday, November 11, 2023

Ericson Acosta: Mga Pira-Pirasong Alaalang Nakakatawa’t Nakakatuwa Noong Dekada Nobenta

\
(Ang makata at aktibista na si Ericson Acosta, pinaslang noong ika-30 ng Nobyembre, Araw ni Bonifacio, 2022, edad 50.)

  1. May rally sa Elliptical Road, unang bahagi ng dekada nobenta. Maglalakad kami, tatakbo . . . at ang kanyang chant (in swardspeak): “Jogging, jogging, bayan ko! Jogging ngayon ang laban mo!”
  2. Gabi, konsiyerto para sa UP Fair sa Sunken Garden. Pwede pang uminom noon ng beer at alak. Ang stage ay malapit sa Grandstand. Kami naman ay malayo-layo, sa bandang malapit na sa Main Library. Tisoy ang bokalista ng bandang noo’y tumutugtog. Aniya ni Ericson, “Atenista ‘yan, eh. Atenista . . .”
  3. Sa tambayan ng Amnesty International, hawak ni Ericson ang pinakabagong kopya ng Kule na kung saan siya may sinulat na artikulo tungkol sa sining biswal. May kuro-kuro siya patungkol kay Roberto "Bobby" Rodríguez Chabet, na tinuturing “father of Philippine conceptual art” at noo’y nagtuturo sa College of Fine Arts. Pasimula ni Ericson, “May iconoclast dyan sa Fine Arts, eh . . .” (Eniweys, di niya trip si Chabet at/o ang mga ideya nito.)
  4. "Lagi akong napagkakamalang Koreano!"
  5. Nakasabay namin ng kaibigan ko si Ericson sa dyip na biyaheng Katipunan pabalik ng UP, pagkagaling namin sa National Bookstore. Naupo siya sa dulo sa bandang labasan ng dyip. Balisa siya. Sa parte ng kalsada sa harap ng Miriam College, sabi niya, late na raw siya sa rehearsal sa teatro. Medyo trapik, tapos lumiko pa ang dyip pakanan papasok sa gasolinahan ng Petron. Napamura si Ericson, “Putang-ina! Magpapa-gas pa! Magta-taxi na ako!” Tumalon siya sa dyip at sa Katipunan, kinukumpas ang kamay sa pagtawag ng taxi.

    6. Ito kuwento ng photographer at co-staffer ni Ericson sa Kule (na nakalimutan ko na ang pangalan):

Ericson: Hirap na hirap na ako maging pogi. 

Isang kasama nila: Naiintindihan kita.

Ericson: Hinde! Hindi mo ako naiintindihan! Maiintindihan mo lang ako kung tunay ka ring pogi!

      7. Cultural Night at nakapalibot sa may hardin sa harapan ng Faculty Center ang mga kasalo.                       Nakaupo si Ericson sa damo at kumakanta’t naggigitara. Parang hinaharanahan niya ang isang      babaeng co-staffer niya sa Kule habang nanonood ang boypren nito na napapangiti na lang.

      8. Nakaupo sa ugat ng puno ng akasya sa Sunken Garden, sa bahaging malapit sa Vinzons at Eduk.            Tinanong niya kami sa modulated na boses, “Naranasan niyo na bang (dramatic pause) . . .                      umibig”?

      9. Huling bahagi ng dekada nobenta, gabi ng UP Fair ulit. May booth ang organisasyon na tinatag              ko: nagbebenta ng mga t-shirt at kung ano-ano pang mga paraphernalia. May t-shirt ni Che                      Guevarra at Mao Zedong, atbp. (kahit na hindi Maoista ang grupo namin). Para sa pagkalap ng                pondo. Napadaan si Ericson, at bumili ng isang Mao t-shirt. Kalahati lang muna ang binayaran.            (P150 ata sa presyong P300.) Hindi na rin nasingil ang balanse, pero lubusang higit pa ang binayad           mo, Ericson, sa pagbuwis mo ng buhay para sa bayan – sang-ayon man ako o hindi sa iyong                  napiling paraan para sa progresibong pagbabago ng ating lipunan. (Sana nga “jogging” lang ang              laban ng ating abang bayan.)

Maraming salamat sa mga alaala, Ericson. At maaaring magkampeon ang parehong koponan ng basketbol ng UP Fighting Maroons, men’s and women’s, nitong UAAP Season 86! Sakaling may bonfire, pipilitin kong dumalo. Pipilitin maging kasing-saya ng kasalukuyang henerasyon ng mga Isko’t Iska sa isa na namang gabi sa Sunken Garden.



(Photo credits:

First photo, of Petron Katipunan Square, from Eric Martinez PHSecond and last photo, of Sunken Garden, from Jules Bañgate.)