Sunday, August 7, 2022

Pagsalin sa Filipino ng Bahagi ng Liham ni Ka Pepe Diokno sa Anak Niyang si Chel

Tinangka ko pong isalin mula sa orihinal na Ingles ang dalawang talata na bahagi ng liham ni Sen. Jose W. Diokno (ika-26 ng Pebrero, 1922 – ika-27 ng pebrero, 1987) sa kanyang anak na si Jose Manuel Tadeo "Chel" Icasiano Diokno noong Mayo, 1974. Mas kilala ngayon bilang Atty. Chel Diokno, siya ay edad labintatlo noong natanggap niya ang liham na sinulat ng kanyang ama na noo’y nasa ikalawang taon ng pagkakulong sa Fort Bonifacio sa ilalim ng batas militar (martial law).

Jose “Ka Pepe” W. Diokno (February 26, 1922 – February 27, 1987): makabayan, abogado, senador, kalihim ng katarungan, at bilanggong pulitikal noong batas militar. (Photo: public domain.)

Bakit ba dapat maging tapat kung makikinabang din naman sa pagiging di tapat? Bakit pa dapat maging patas kung di naman patas ang iba sa iyo? Bakit pa ipaglalaban ang iba kung di ka naman nila ipaglalaban—o kahit ang kanilang sarili? Bakit pa kailangang magkaroon ng sariling pag-iisip samantalang higit na mas madali ang hayaan na lamang ang iba na mag-isip para sa iyo? Bakit pa dapat magkaroon ng sariling pagpapasya samantalang mas iwas-gulo ang maging sunud-sunuran na lamang? Bakit kailangang maging mabuti samantalang para bang mas kaaya-aya ang maging masama?

Sa aking pananaw, ang sagot ay nasa kung ano ang kahulugan ng buhay para sa iyo. Kung ang ibig sabihin ng buhay ay ang pagkakaroon ng mga panandaliang kagalakan, pera, kasikatan, kapangyarihan, at seguridad, ay di mo na kailangan ang mga prinsipyo; ang tangi mong kailangan ay mga pamamaraan lamang. Sa katunayan, mas mainam pa ang kawalan ng prinsipyo; ang mga ito'y magiging sagabal lamang sa iyo. Ngunit kung sa kabilang banda, ang kahulugan ng buhay ay higit pa sa mga bagay na ito, kung ang kaligayahan ay mas matimbang pa kaysa sa panandaliang kagalakan, ang pagpapaunlad ng iyong mga kakayahan kaysa sa pag-ipon ng kayamanan, ang respeto kaysa katanyagan, ang tama kaysa kapangyarihan, ang kapayapaan ng kaluluwa kaysa seguridad; kung ang kamatayan ay hindi ang pagwawakas ng buhay kundi ang pagbabago nito, ay dapat kang maging totoo sa iyong sarili at sa Diyos, at sa pag-ibig at katotohanan, sa kabutihan at kagandahan, at sa katarungan at kalayaan na Kanyang mga pangalan din at ginawa Niyang bahagi ng ating likas na pagkatao.

Mga tala:

  1. Ang pinagkunan ng kwento at bahagi ng liham ay ang artikulong The inspiring letter Ka Pepe Diokno wrote to his 13-year old son Chel ni Jerome Gomez para sa ANCX, ika-26 ng Pebrero, 2022.
  2. Maraming salamat sa abogado/makata na si Atty. Argee Guevarra sa pagbahagi ng dalawang talata ng liham na ito sa poste niya sa Facebook noong ika-7 ng Agosto, 2022 – kaya ko naman natandaan itong mga bahagi ng liham na nabasa ko na rin dati.
  3. Ituring na “work in progress” ang aking pagsalin, kaya inaanyayahan ko ang mga komento’t suhestiyon ng mga kababayan nating mahuhusay sa Filipino. Sakaling gamitin ko ang inyong suhestiyon, bibigyan ko kayo ng kaukukang kredito sa artikulo. At, handa po sana tayong ipagtanggol ang ating mga suhestiyon. 



No comments:

Post a Comment