Mas maraming kabataan ngayon na may karelasyon o nanliligaw o nililigawan ang napupuyat – lalo na yung may mga sariling kwarto sa bahay.
Gamit ang cellphone sa kama, kahit hanggang madaling araw pwedeng makipag-usap o PM o text sa iniibig o mangingibig – nang di nasasaway ng magulang.
Eh noong panahon namin, sa tingin niyo ba pwede naming bitbitin hanggang kwarto yung landline na kadalasan nasa sala at nakakonekta ang kable sa dingding? At magtext?
Bale nakaupo ka lang sa sala para magtelebabad. At awkward mag-sweet nothings nang may ibang nakakarinig kaya pabulong ka lang. Tapos pag-ayaw ng magulang mo sa kausap mo, bubulyawan ka pa ng, “Sino na naman iyang kausap mo?! Si Pedro na naman iyan, ano?! Ibaba mo na iyang telepono at matulog ka na!”
Kaya bubulungan mo ang kausap mo, “Andito na si tatay. Bye.” At pagbaba ng receiver, sasabihin mo sa tatay mo, “Kaklase ko lang po. May school project kami.” (Pwede mo ring sabihin na, “Wrong number po,” kahit tatlong oras mo nang kausap.)
At dahil nga ayaw ng mga magulang mo, sasamantalahin mo kung kelan nasa trabaho sila. Eh minsan ginagamit pa ng party line . . .
Pero may isang bentahe ang landline sa smartphone: Pag galit kami sa kausap namin (kunwari dahil sa selos, ahem) pwede namin siyang murahin tapos babagsakan ng telepono. Ibig sabihin, ihahampas namin yung receiver sa plunger! Ngayon, sige nga, kaya niyong ihampas yung smartphone niyo sa galit? Eh kung iPhone?
No comments:
Post a Comment