Ituring natin na pagpapatuloy ito ng huling post ko na Voltes V: Ipinasiya kong italaga angaking buhay sa pakikibaka . . :
Anekdota 1
Kasabay ng
kasikatan ng Voltes V ay ang pagsikat din ng theme song nito. Natatandaan ko noong
nasa nursery ako noong 1978, ay mismo ang orihinal na Hapong bersyon nito ay
kabisado at madalas awitin ng mga kaklase ko. At natatandaan ko rin na di ako nakakasabay
sa kanila dahil malamang noon pa man ay makakalimutin na ako at mahinang
magkabisado ng lyrics at iba pang mga bagay. At, maliban sa orihinal an bersyon
nito, ay meron din itong English at Filipino na mga bersyon. (At ang huli ay
nagtatapos sa, Walang biro, lagot kayo/ Pati na lolo n'yo!)
Isang hapon,
pinaghiwahiwalay ang klase ng aming titser sa tatlong pangkat, at bawat isang
grupo ay aawit ng kantang pambata – kanya-kanyang pili:
Unang grupo: Tatoe
arashi ga hukou tomo . . . (Voltes V original version).
Pagkatapos, tinawag
ni titser yung pangalawang grupo:
Pangalawang grupo: Though
the storm should blow . . . (Voltes V English version).
Noong grupo na namin:
Tatoe arashi . . .
Inawat na kami agad
ni titser: Voltes V na naman?! Iba naman!
Grupo namin: The
itsy bitsy spider crawled up the water spout . . .
Anekdota 2
Noong grade 2,
unang bahagi ng 1983, isang umaga sinabi sa akin ni Mama na susunduin niya ako
sa hapon pagkatapos ng school (UPIS - Katipunan Avenue) dahil manonood kami ng
sine: Voltes V The Movie. Pero, noong bihis na ako at naghihintay sa school
bus, binawi ni Mama; di na raw kami tuloy. Nagtampo ako at in denial. Pinilit
kong paniwalain ang sarili na tuloy ang lakad namin ni Mama.
Noong sinundo ako
ng school bus sa bahay namin sa Lagro, nagbilin ako sa drayber na huwag na
akong sunduin mamayang hapon kasi nga susunduin ako ni Mama at may lakad kami.
Pagkatapos ng school, hindi nga ako sumabay sa school bus at hinintay ko si
Mama sa parking lot. Dumilim na, lagpas 6:00 PM na at ako na lang ang
estudyante sa eskwelahan. Napansin ako ng school nurse at tinanong. Matigas pa
rin ulo ko, “Susunduin po kasi ako ni Mama, eh.” Nag-alala na yung nurse at
dinala ako sa klinik kung saan may telepono. Buti na lang, alam ko landline no.
ni Mama sa NCBA – Aurora Blvd. kung saan siya nagtuturo noon. Yung nurse ang
tumawag at pinasa sa akin ang telepono. Alalang-alala si Mama at galit nang
kinausap ako, “Akala ko naman kung ano na ang nangyari sa iyo! Di ba sabi ko
nga sa iyo na di na tayo tuloy ngayong araw?!”
Wala pang
kalahating oras ay nasundo na ako ni Mama, na may kasamang sermon palabas ng
school premises, “Akala ko malinaw na kanina?!”
Yun naman pala,
kaya niya binawi ang unang usapan naming ay napagpasyahan nila ni Papa na
mag-date. Pero dahil andoon na ako, eh di kumain na kaming tatlo sa Tropical
Hut – Cubao, pinanood ang Voltes V The Movie sa Ali Mall, at bumili pa ng souvenir
na manga version ng Voltes V The Movie. Sa madaling salita, ako ang nagwagi.
(Ang tawag sa ginawa ko ay, "positive visualization.")
No comments:
Post a Comment