Ang post na ito ay ang aking tribute sa first death anniversary ng isang kasama, kaibigan at brod: si Arvin Jimenez aka Tado (March 24, 1974 – February 7, 2014). Palagi ka naming maaalala't ipagpupugay, kasama!
Tinawagan ako ng kaibigan kong si Tado noong last quarter ng 2012. Sumulat daw ako ng kahit ano tungkol sa kanya, isasama daw niya iyon sa isang libro na koleksiyon ng mga ala-ala ng mga kakilala niya kung sakaling namayapa na siya. Natuwa naman ako sa konsepto. At bilang kaibigan, mabilis din naman akong nakatugon sa request niya. Dahil mahina ang memorya ko, may mga kasama kami sa student movement noong 1990's na nakalimutan ko na ang mga pangalan, kaya mali ang pag identify ko sa isa sa kanila doon sa unang kopya na sinabmit ko kay Tado. Pagtapos kong magtanong-tanong at napa-alala ulit sa akin ang tamang pangalan, inedit ko ang draft at nagsabmit ng second at final draft. In-acknowledge naman niya ang huling kopya. Kaya bagamat proud naman ako noong makabili ng kopya ng aklat niyang Bio-Eulogy, may disappointment din ako at di niya pala naihabol yung pangalawa't pinal na anecdote ko -- yung may maling first draft ang na-publish. Pabirong may hinanakit na sinita ko siya noon, pero natawa na lamang siya at nagsabi na, "Mabilisan na, eh." Mabilis naman talaga si Tado sa maraming bagay, kasama na doon ang guerilla publishing, hehe. Eniwey, tunay na karangalan pa rin naman sa akin na masama doon sa anthology, at malagay pangalan ko doon sa back cover. Ang sumusunod ang di naihabol na final draft ng aking anecdote kay Tado (sa ibang salita, "This it how it should've appeared"):
Ang Masunurin at Responsableng Apo ng Kanyang Lola (Alangan Namang Siya’y Apo ng Kanyang Nanay)
Tag-init ng 1996 noong makasama ko si
Tado nang magdamag sa isang safe house sa Subic, Zambales sa isang pagpupulong
ng mga miyembro ng youth sector ng Kilusan
ng Kristiyanong Kabataan (KKK). Mala-martial law ang palakad ng mga Gordon sa
umuunlad na Subic noon. (Pagkatapos nilang humagulgol at maglupasay sa
paghangad na manatili ang base militar ng mga Kano sa bakuran nila habangbuhay,
eh kaya naman pala nilang magsarili’t paunlarin ang malawak na baybaying iyon.)
At taimtim naming ipinagdarasal sa aming fellowship, na pinangungunahan ni
Pastor John Bayarong, na nawa’y huwag namang makompromiso ang kalayaan sa
pagpapahayag at karapatang pantao ng mga mamamayan doon, lalo na’t host ang
munisipyong yaon sa 4th APEC Leaders' Summit bago matapos ang taon.
Sa kalagitnaan ng aming bible study,
ay bigla na lamang sumirit sa pagsinga ang sinisipon na si Tado sa laylayan ng
kanyang suot na t-shirt. Kaya naman siya’y napuna ng aming sister na si Jojo
Arias, na noo’y kasalukuyang chairperson ng PUP-Sta. Mesa student council.
Sister Jojo: “Hoy, Tado! Ang
laki-laki mo na, sumisinga ka pa sa damit mo. Kadiri ka!”
Brother Tado: “Noong bata ako,
pinagbabawalan ako ng aking lola na suminga sa aking damit, ngayong malaki na
ako, pwede na!”
Ayan si Tado, magalang sa
nakatatanda, at patunay nito ang kanyang pagiging masunurin sa kanyang mahal na
lola. Ngunit, siya rin ay lumaking responsable at independiyente, na kayang magdesisyon
para sa kanyang sarili nang hindi na kailangang gabayan ng ibang tao.
Iyan ang magiging aral at pamana ni
Tado sa kabataang Pilipino, sa mga susunod na henerasyon ng ating magiting na
lahi: Ang kalayaang makapagsarili at magdesisyon kung sisinga sa suot na damit—o
hindi.
Tulad ng Subic na ngayo’y malaya’t tinatamasa
ang kaunlaran paglipas ng dalawang dekada noong nilisan ito ng dating
mala-sipong lagkit at kapit ng dating Subic Bay Naval Base.
* * *
Tol, tinutupad ko pa rin usapan natin noon, na "sponsor" ka ng blog na ito, hehe.
phone nos. 09167840522/ 023588753
3rd floor JN Building, 657 EDSA corner Monte De Piedad Street, Barangay Immaculate Concepcion, Cubao, Quezon City